Must Read
Ika-8 ng Hunyo naganap ang trahedya ng pagkalunod ng student-athletes ng Ateneo de Manila University (ADMU) na sila Rene Baterbonia at Divine Adili. Naiuwi na ang labí ni Divine sa kanyang pamilya sa Nigeria. Si Rene naman ay nailibing na sa kanyang bayan sa Agusan del Sur.
Lagpas tatlong linggo na mula nung sila’y nasawi, pero matíning pa rin ang mga usapan sa mga umpukan at, mas higit pa, sa social media. Kahit papaano, sa mga face-to-face na pag-uúsap, nakakapaglinawan, maitatamà ang mga mali, at madaragdagan ang mga detalyeng kulang.
Ang problema ng Ateneo ay ang batuhan ng opinyón sa social media. At ang mga opisyal mismo ng pamantasan ng Ateneo ang umaming hindi nila napaghandaan ang social media at ngayon ay naghahabol silang remédyuhán ito.
Bago ko ituloy, ihahayag ko muna na isa akong part-time faculty sa Ateneo, nagtuturo ng journalism sa Department of Communication. Naapektuhan ako dahil kasama sa mga muntik malunod ay isang dati kong estudyánte na beterano ng Ateneo Men’s Basketball Team (AMBT). Sa Let’s Talk podcast ni Pia Hontiveros, nasabi ng magkakamping Ateneo Blue Eagles na sina Kieffer Alas and Sam Reyes na ang unang humiyáw nung nasa dagat sila ay ‘yung dati kong estudyante.
Nabanggit ko rin lang naman ang komunikasyon, masakit aminin ng tambay na ito na tila nabitawan ng Ateneo ang pagkakataong mabitbit ang direksiyon ng usapan tungkol sa trahedyang ito. Sa palagay ko, dahil sa lábis-lábis na pag-iingat, naging makúpad kumilos ang Ateneo. Ang resulta ng sumóbrang kabagálan: naging opinyon ng lahat — as in, LAHAT — ng nakausap ko na sinadya ito ng pamantasan dahil ayaw nitong managót sa nangyari. Mas malalâ pa sa social media dahil may mga nagpapalutang na manhid daw ang mga opisyal ng Ateneo. Dumarami pa ang mga komento sa social media na makapagpapagálit sa netizens.
Despalinghado rin ang ibang mensaheng unang inilabas ng Ateneo. Halimbawa, habang nasabi ng mga opisyal na nasa panahon pa ng pagluluksa ang pamantasan, may mga nagsalita rito tungkol sa nais ng mga taga-AMBT na ituloy ang paglalaro. Naisip ng tambay na ito na sana’y iwásan muna ang ganyang usapan sa “public level.” May tamang panahon para riyan.
Nakapanghíhináyang din na ‘yung ibang nabanggit ni Father Bobby Yap, presidente ng ADMU, sa press con ng pamantasan ay hindi nabigyang pansin mismo ng “communication team” ng Ateneo. Halimbawa, nasabi ni Father Bobby na ang kanyang unang reaksiyon sa kalúnos-lúnos na pangyayari ay kanyang pagiging pari na tinawag niyang pastoral duty.
“My first reaction of what to do was as a priest… We have to show sympathy, we have to comfort the grieving families, we provide sympathy to the families and take care of our players. Instead of dealing with the media, etc etc, my first thought was, ‘I will go there, I will go to Arlington and be present when the mother came.’ I went and the mother was there…. I stayed with them.”
Nabanggit pa ni Father Bobby na kinausap niya ang nanay at mga kamag-anak ni “Bobet” (palayaw ni Rene Baterbonia) sa Bisaya. “Taga-Cebu naman ako, kinakausap ko sila sa Bisaya.”
Sa town hall meeting, sinabi ni Father Bobby na may nagbanggit na dapat may photo or video siya ng pakikipag-usap sa nagluluksang nanay ni Bobet. “Sabi ko sa kanila, hindi yata tama ‘yun,” sabi nung pari.
Sabi ni Father Bobby, dun niya nakita ang “clash” ng pastoral at social media. “Ang lakas ng social media. Dapat pala asikasuhin din ang communication.”
Hanggang ngayon, panay ang habol ng Ateneo na ayusin ang imahen nito. Para silang mga pamatay-sunog o bombero na nagkukumahóg maapulá ang sunog na sanhi ng kapabayaan.
Sa ilang mga podcast na napanood ko, ang naisip ko ay maaaring magkaroon ng post-traumatic stress disorder (PTSD) ang ibang players. Sabi ng American Psychiatric Association, ang PTSD ay: “a psychiatric condition that may occur in people who have experienced or witnessed a traumatic event or series of traumatic events. The individual often experiences the event or events as emotionally or physically harmful or life-threatening…. However, most individuals who experience traumas do not go on to develop PTSD.”
Sa kuwentuhan namin ni Ron Magsakay, isang nakaranas ng matinding trahedya na nagdulot sa kanya ng PTSD, umáyon siya na maaaring pagdaraanan din ito ang mga nandoon sa Dipaculao nang mangyari ang trahedya.
Kaya ko nabannggit ang PTSD, dahil sa usap-usapan kung paglalaruin ang Ateneo Blue Eagles sa darating na season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) sa Agosto.
Sa ngayon, nagbitiw na si head coach Tad Baldwin at ang team manager. Nasabi na rin ng UAAP na, habang iniimbestigahan pa ang insidente, bawal sumama sa mga laro ang lahat ng coaching staff na nandoon sa Dipaculao.
Hati ang opinyon ng mga netizen tungkol sa kung palalaruin ang mga player. Sa isang panig, dapat lang daw palaruin ang Blue Eagles dahil wala naman silang kasalanan sa insidente. Huwag daw parusahan ang mga batang matagal nang pinaghandaan ang UAAP. (BASAHIN: Divine Adili’s father encourages Ateneo team to keep playing)
Doon ako nakapanig sa mga pananaw na pagpahingahin muna ang AMBT. Sa mga napanood kong panayam ng mga player, nasabi nilang makakaya nila ang pressure ng UAAP. Kahit daw ‘yung mga bashers ay kakayahin nila. Lagi naman daw nandiyan ‘yung bashers at trolls kahit magpahinga ang Blue Eagles nang ilang taon.
Ang sa akin, hindi natin masasabi kung gaano kalalim ang epekto sa kanila nung trauma. Kahit dumaan na sila sa intervention, maaari pa ring lumitaw ang PTSD. Sabi ni Magsakay, ang PTSD ay ongoing at maaaring ma-trigger. Isa na sa posibleng kumalabit ay ang “pressure cooker” atmosphere ng UAAP games at iba pang mga uncontrollable na mga bagay.
Isang halimbawa ng PTSD ay ‘yung tinatawag na “survivor’s guilt.” Doon sa isang podcast nagkuwento si Blue Eagle Sam Reyes na hindi siya makatulog nung kinagabihan ng trahedya. Roommates niya sina Divine at Bobet. Nakatingin lang daw siya roon sa bakanteng higaan nung dalawa. Ang pumapasok daw sa isip niya ay sana may nagawa siya para masagip ‘yung dalawa. Baka daw nagkulang siya.
Sabi ng Psychology Today, ang survivor’s guilt ay: “the experience of psychological distress due to surviving or escaping a situation relatively unharmed or unaffected, as compared to others. When one emerges relatively unharmed from an accident, conflict, or pandemic, for example, while others have died or experienced significant loss, a person may experience survivor’s guilt, despite bearing no responsibility for the outcomes that occurred.”
Doon sa naturang podcast, napaiyak at nanahimik si Sam habang nagkukuwento. Nagsalita ang host na si Pia Hontiveros, paulit-ulit niyang sinabi kay Sam, at maging kay Keiffer: “It’s not your fault. You know that, right? Don’t ever blame yourself. You don’t have to blame yourself.” – Rappler.com
Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan (minsan napapadalas din). Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.


